Sa panahong tinatawag na digital, nagigigng mahalaga ang kakayahan at talento ng bawat indibidwal. Nagbabago na ang mga pamaraan sa pag-oorganisa ng mga bagay. Ang teknolohiya ay nakapag-aambag na rin sa inaasahang pagbabago sa larangan ng pagtuturo at pagkatuto. Ang tekholohiya ngayon ay nagbibigay na ng malawak na oportunidad para sa pagkatuto ng mga mag-aaral, lalo na ang access sa midya. Sa panahon na tinatawag nating “knowledge explosion”, ang guro sa makabagong panahon ay maaaring hindi kayang ibigay lahat ng kailangang hinahanap ng kanyang mga mag-aaral. Katulad ng maraming bagong kasanayan at kaalaman na kailangan sa curriculum development at pagtataya, mga bagong pedagohiya naman ang nalilikha habang ginagamit ng mga guro at mag-aaral ang teknolohiya sa pananaliksik at pagkatuto. Ang suliranin ukol sa umaapaw na impormasyon ay tototo kaya ang mga guro ay napipilitang mamili tungkol sa paggamit ng teknolohiya na maaaring magagamit sa pananaliksik at paghahanap ng mga inobatibong lapit at estratehiya sa pagtuturo.
Ayon kay Lardizabal (1995), ang pagtuturo ay isang proseso ng komunikasyon ng guro at mag-aaral. Ang pagtuturo ay hindi na nakasalig lamang sa berbal na komunikasyon ng guro at mag-aaral. Maraming kagamitan ang pagtuturo at pagkatuto. Ang kagamitan pampagtuturo o kagamitang instruksyonal ay anumang karanasan o bagay na ginagamit ng guro bilang pantulong sa paghahatid ng impormasyon, kasanayan, saloobin, palagay, katotohanan, pag-unawa at pagpapahalaga sa mga mag-aaral upang lalong maging konkreto, tunay, dinamiko at ganap ang pagkatuto.
Sa paghahanda ng mga midyang instruksyonal ay kailangang alamin ang karakteristik at pangangailangan ng estudyante. Tiyakin ang layunin, balangkasin ang nilalaman, iplano ang suportang kakailanganin at isaalang-alang din ang mga materyal na paghahanguan. Sa pagsusulat, ihanay ng maayos ang mga ideya, pag-isipan at simulang buuin ang mga gawain at fidbak, humanap ng mga halimbawa at umisip ng mga grafiks.
Sinasabi ngang walang kagamitang panturo ang maipapalit sa isang mabuting guro, ngunit isang katotohanang hindi maitatanggi na ang mabuting guro ay gumagamit ng mga kagamitang pampagtuturo tungo sa mabisang pagkatuto ng mga estudyante.
Ayon kina Abad at Ruedas (2001), ang mga kagamitang pampagtuturo, tulad ng midyang instruksyonal ay nagbibigay ng kongkretong pundasyon sa pag-katuto, halimbawa:
- Nagbubunga ito ng wastong gawi sa pag-aaral;
- Nakagaganyak ito sa kawilihan ng mga mag-aaral sapagkat higit na napasisigla at napagagaan ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto;
- Nagdudulot ito ng maayos, madali, makahulugan at mabisang pagtuturo at pagkatuto;
- Nag-aambag ito ng iba’t ibang karanasan sa mga mag-aaral tungo sa pagtatamo nila ng mga minimithing kaalaman, pagkakamit ng kasanayan at pagpapahalaga sa kanilang sarili at kapaligiran;
- Nagbibigay ito ng mga tunay at iba’t ibang kalagayan upang mapasigla ang pansariling gawain ng mag-aaral;
- Nagkakaroon ng tiwala sa sarili ang mag-aaral at guro sapagkat may direksyon ang pagtuturo at pagkatuto;
- Nagkakaroon din ang mga guro ng kawilihan, magaan at sistematikong pagtuturo;
- Nababawasan ang pagiging dominante ng guro sa pag-sasalitao pagtalakay ng aralin sa loob ng silid-aralan.
Gayunpaman, may mga limitasyon din ang paggamit ng multimedia sa silid-aralan tulad ng; kaamitang panteknolohiya (hard-ware at software), kakayahang panteknolohiya (para sa mga mag-aaral at mga guro) at oras o panahon na kakailanganin sa pagpaplano, pagdidisenyo, pag-linang at pagtatasa sa mga gawaing pang ultimedia.